Inamin ni suspended National Food Authority (NFA) Administrator Roderico Bioco na noong 2021 at 2022 ay nagkaroon din ng bentahan ng rice stocks ng NFA na hindi dumaan sa bidding.
Sa motu proprio investigation ng Kamara kaugnay sa bigas scam, ipinaliwanag ni Bioco na salig sa Commission on Audit (COA) Circular 89-926 ay pinapayagan na hindi na idaan sa bidding ang mga merchandise o inventory na ‘for regular sale’ ng isang ahensya.
Kaya ito lang din aniya ang kanilang sinunod sa kaniyang pag-upo bilang bagong NFA administrator sa pagbebenta ng nasa 130,000 na sako ng rice stock sa pribadong traders.
Sinabi pa niya na bago niya hawakan ang pwesto sa NFA ay ganito na ang ginagawa.
Pero para sa mga mambabatas, hindi dahil sa ito ang nakagawian, ay ito ang tamang gawin.
Sinabi pa ni SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta, salig sa batas, mayroon lamang limang mode of disposal.
Ito ang public auction, sale through negotiation, barter, transfer to other government agencies, at distraction o condemnation.
Mga bagay na hindi sinunod ng NFA.
Kinumpirma naman ni NFA Assistant Administrator Robert Hermano na nasa walong milyong sako ng bigas ang naibenta na hindi dumaan sa bidding.
Nasa 4.4 million dito ay noong 2021, 3.6 million noong 2022 at 186,000 noong 2023 na pawang bago ang termino ni Bioco.
Una nang humirit si Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na palawigin ng komite ang imbestigasyon sa ginawang bentahan mula 2019 hanggang 2023. | ulat ni Kathleen Jean Forbes