Nagbabala si dating health secretary at ngayon ay Iloilo Rep. Janette Garin sa mga tumatangkilik sa intravenous (IV) glutathione o gluta drip na mas lantad sila sa pagkakaroon ng skin cancer.
Ang paalala ng mambabatas ay sa gitna ng panukalang imbestigasyon ni Sen. Nancy Binay sa mga naitalang pagkamatay dahil sa paggamit ng gluta drip.
Paliwanag ni Garin, nakakaputi lamang ang gluta drip kapag ang isang tao ay ‘overdosed’ na nito.
Ang sobrang dose kasi ng glutathaoine ay naghihinto sa produksyon ng melanin o yung kulay ng balat na siya namang panangga sana laban sa skin cancer.
“In excessive doses, nagpapaputi siya dahil kapag ikaw ay may kaunting overdose na sa glutathione hinaharang niya yung iyong melanin or pigment cells na nagbibigay-kulay sa ‘yo,” Dahil hinarang niya ang iyong pigment cells, nagiging mas prone ka sa [skin] cancer,” paliwanag niya.
Una nang sinabi ng FDA na hindi pa napapatunayan na pampaputi nga ang gluta.
Ang tanging bagay na aprubado ay paggamit nito sa cisplatin chemotherapy.
“It’s a very strong antioxidant, para ikaw ay hindi madaling mahawa ng sakit…at tumaas ang iyong resistensya. However, ‘pag hindi ka natignan ng maayos ng doktor, at ito pala ay bawal sa ‘yo, at wala ka namang cancer, para kang kumuha ng bato na pinukpok sa ulo mo,” sabi ni Garin. | ulat ni Kathleen Jean Forbes