Higit sa ₱10.7 milyong tulong pinansyal ang ipinamahagi ng National Housing Authority (NHA) sa 703 pamilyang nasunugan mula sa Muntinlupa, Quezon City, Palawan, at Tawi-Tawi nitong Marso 6 – 7.
Ayon sa NHA, ang bigay na tulong ay ginawa sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP).
Sa kabuuang bilang, 200 pamilya mula sa Muntinlupa ang binigyan ng tig-₱10,000 cash aid para makatulong sa muling pagtatayo ng kanilang mga nasirang tahanan.
Ang mga benepisyaryo na nasunugan mula noong 2021 hanggang 2022 ay mula sa Acero Compound, West Service Road; 23 Interior Purok 1; at Aquino Damaso Compound / RRSNA / PNR Site Purok 2.
Samantala, aabot naman sa ₱1,350,000 cash assistance ang ipinagkaloob sa 135 pamilyang nasunugan noong Pebrero 2023 sa Brgy. Tatalon, San Isidro Kaliraya St., Brgy. Tatalon, Quezon City.
Kabilang din sa pinagkalooban ng tulong pinansyal ang 331 pamilyang nasunugan sa Tawi-Tawi at 37 pamilya sa Coron, Palawan. | ulat ni Rey Ferrer