Hindi na nakalipad palabas pa ng bansa ang isang pinaghihinalaang human trafficker at pito nitong biktima matapos mapigilan ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Ayon sa ulat ng BI, unang nagpanggap bilang magkakaibigang magbabakasyon ang mga biktima pero dahil sa mga inconsistency sa mga dokumento, nagsagawa ang BI ng secondary inspection kung saan kalauna’y umamin ang mga ito at sinabing inalok silang magtrabaho bilang customer representatives sa Laos.
Ayon pa sa mga biktima, lilipad muna sila papuntang Thailand at pupunta ng Laos sa pamamagitan ng barko kung saan naghihintay sa kanila ang trabaho na may inaasahang sahod na ₱40,000.
Peke rin umano ang mga ID at dokumentong ibinigay sa kanila ng kanilang escort na nasa labas ng paliparan bago ang kanilang flight na kalaunan nama’y na-intercept din at na-turnover sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) kung saan kahaharapin nito ang patong-patong na mga kaso. | ulat ni EJ Lazaro