Agresibo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na gawing malinis ang mga barangay sa buong bansa sa ilalim ng Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan sa Bagong Pilipinas Program o KALINISAN.
Ngayong umaga, nilinis ng volunteers ng barangay ang kahabaan ng Daanghari Coastal Dike sa Ignacio St. sa Barangay Daanghari, Navotas City.
Ang volunteers ay nagmula sa iba’t ibang departamento ng Navotas Local Government Unit, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), mga estudyante at mamamayan ng barangay.
Bago ito, pinangunahan ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. ang pledge of commitment ng mga volunteer upang aktibong suportahan ang programa ng pamahalaan na gawing malinis ang kapaligiran.
Tiniyak pa ng kalihim na magpapatuloy ang KALINISAN program sa buong bansa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr.
Sunod na pupuntahan ni Secretary Abalos pagkatapos ng paglilinis sa lungsod ng Navotas ay ang CALABARZON area. | ulat ni Rey Ferrer