Nagbigay babala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa panibagong pamamaraan ng mga kawatan upang manlinlang at magnakaw ng personal o bank information ng sinuman sa pamamagitan ng tawag sa telepono o cellphone, automated voice recording, o Voice over Internet Protocol (VoIP).
Ayon sa BSP, ito ay tinatawag na ‘vishing’, isang uri ng social engineering attack na nangangalap ng impormasyon upang magkaroon ng access partikular na sa bank account ng mga biktima ng mga ito.
Payo ng BSP, maging alerto kung ang tumatawag sa inyo ay nagsasabing siya ay nagtatrabaho sa isang kompanya o financial institution, minamadali ang inyong desisyon o aksyon sa kanilang instructions, o hindi naman kaya ay hinihingi ang inyong personal o bank information.
Hindi tatawag o magpapadala, ayon sa BSP, ng text o e-mail ang inyong bangko o e-money issuer para hingin ang inyong personal at bank account details, tulad ng inyong password, account number, o one-time password.
Dagdag pa ng Bangko Sentral, i-report agad sa mga official channels ng inyong bangko kung nakumpromiso ang inyong account, credit card, o ang personal na impormasyon.
Binigyang utos na rin ng BSP ang mga bangko na paigtingin nito ang kani-kanilang consumer assistance mechanisms para rin sa mga ganitong uri ng scam.
Maari ring lumapit sa BSP kung hindi nabigyan ng sapat na aksyon ng bangko o e-money issuer ang inyong hinaing, sa pamamagitan ng BSP Online Buddy o BoB sa kanilang website o pag-chat sa Facebook Messenger ng Bangko Sentral. | ulat ni EJ Lazaro