Kasabay ng pagdiriwang ng 26th Founding Anniversary ng Davao de Oro kahapon, ginanap ang ceremonial turnover at blessing ng mga tents para sa unang batch ng mga biktima ng landslide sa Brgy Masara sa bayan ng Maco.
Ang G-Works Kampo Uno Temporary Shelter ay matatagpuan sa Quasi Parish, Brgy Elizalde, Maco, kung saan 89 mga tents mula sa Red Cross ang itinayo para sa 89 na pamilyang mula sa Zone 1, Brgy Masara na syang lugar na pinangyarihan ng landslide.
Ang ceremonial turnover at blessing ay mismong pinangunahan ni Davao de Oro Governor Dorothy Gonzaga kasama ang ibang opisyal ng probinsya at Maco LGU, kung saan kasama sa itinurn-over ang emergency lights, kitchenwares at hygeine kits mula sa Office of Civil Defense (OCD)- XI.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Head Josephine Frasco, ito ay unang batch pa lang ng mga evacuees na di na pinayagang makabalik sa kanilang mga lugar na ideneklarang “no habitation” zone ng Mines and Geosciences Bureau.
Aniya, habang nagahahanp pa ang Davao de Oro Provincial Government ng permanent relocation para sa mga apektadong residente, magpapatuloy ang kanilang intervention para matugunan ang kanilang pangangailangan katulad ng pagkain, psychosocial services at iba pa.
Samantala, patuloy pang hinahanda ng PLGU ang isa pang temporary shelter sa Brgy. Malamodao na makapag-accommodate ng 160 na pamilya.| ulat ni Maymay Benedicto| RP1 Davao