Inanunsyo ng Philippine National Railways (PNR) na magkakaroon ng mga bagong biyahe ng bus sa rutang Tutuban hanggang Alabang, at pabalik, para makaagapay sa mga pasaherong maaapektuhan ng suspensyon ng biyahe ng PNR simula ika-28 ng Marso.
Ayon sa PNR, magbababa at magsasakay ang mga bagong biyahe ng mga bus malapit din sa kasalukuyang ruta ng kanilang mga tren.
Para sa Tutuban-Alabang (Southbound) daraan ang mga bus sa: Divisoria (Tutuban), Mayhaligue Street, Abad Santos Avenue, Recto Avenue, Legarda Street, Quirino Avenue, Nagtahan Flyover, Mabini Bridge, Quirino Avenue, Osmeña Highway, Nichols Entry, SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, at Alabang (Starmall).
Para naman sa Alabang-Tutuban (Northbound) daraan ang mga bus sa: Alabang (Starmall), Manila South Road, East Service Road, Alabang (Entry), SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, Nichols Exit, Osmeña Highway, Quirino Avenue, Legarda Street, Recto Avenue, Abad Santos Avenue, Mayhaligue Street, at Divisoria (Tutuban).
Nakatakda naman ang oras ng mga biyahe ng bus sa rutang Tutuban-Alabang (Southbound) sa ganap na: 7:30 AM, 9:10 AM, 3:00 PM, 3:20 PM, 7:30 PM, 9:00 PM.
Asahan naman ang mga biyahe ng bus sa rutang Alabang-Tutuban (Northbound) sa mga oras ng: 5:00 AM, 6:30 AM, 11:00 AM, 11:45 AM, 5:00 PM, 6:10 PM.
Ipatutupad din sa binuksang ruta ang umiiral na pamasahe para sa mga pampublikong bus na inaprubahan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), na magsisimula sa pamasahe na ₱15 sa unang limang kilometro at dagdag naman na ₱2.26 sa kada kilometro.
Ang suspensyon ng biyahe ng PNR ay upang magbigay daan sa kontrusyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project na kokonekta sa Clark sa Pampanga patungo hanggang sa Calamba, Laguna kung saan inaasahang pakikinabangan ito ng nasa 800,000 katao kada araw at magpapaiksi ng biyahe sa dalawang oras. | ulat ni EJ Lazaro