Kinilala ni House Special Committee on the West Philippine Sea ang patuloy na pakikipag-ugnayan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kaalyadong bansa upang kunin ang suporta ng mga ito kaugnay ng ginagawang pambu-bully ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay House Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, chair ng komite, malaking bagay na dinadala ni Pangulong Marcos ang isyu sa mga pinuno ng bansa na kanyang binibisita.
Maliban pa ito sa paggiit ng Pangulong Marcos sa karapatan at pag-mamay-ari ng Pilipinas ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) na nasa loob ng 200-mile EEZ ng bansa.
“He is keeping up international pressure on Beijing, so the Chinese would back off their aggressive activities inside our territorial waters, including Ayungin Shoal off Palawan in the south and Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) near Zambales and Pangasinan in the north, which China seized in 2012,” ayon sa mambabatas.
Sa pagbisita ng Punong Ehekutibo sa Australia, sinabi ni Gonzales na nanawagan ang Pangulo ng pakikipagtulungan kasama ang mga kaalyadong bansa upang tapatan ng batas, katatagan at kapayapaan sa rehiyon ang mga bantang dala ng China.
Katunayan, naselyuhan ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Australia sa joint maritime activities, na layuning mapanatili ang kapayapaan, gayundin ang pagbibigay proteksyon sa mga mangingisdang Pilipino.
Nang bumisita naman si PBBM sa Vietnam ay nilagdaan din ng dalawang bansa ang memorandum of understanding sa “Incident and Management in the South China Sea.”
Inaangkin din ng China ang bahagi ng teritoryo ng Vietnam sa South China Sea. | ulat ni Kathleen Forbes