Nabigo ang NOW Telecom Company na makakuha ng paborableng desisyon sa Korte Suprema matapos ibasura ang kanilang petisyon na kilalanin sila bilang major telecom.
Ito ay matapos katigan ng Supreme Court 1st Division ang naging desisyon ng Court of Appeals noong 2021 na nagbasura sa petisyon ng NOW Telecom Company na humihiling na mapatigil ang NTC sa pagpapatupad ng probisyon ng memorandum circular kung paano magiging bagong major player sa industriya ng telecommunications.
Inireklamo ng NOW Telecom ang multi-billion peso na babayaran sa NTC ng interesadong bidders.
Ayon sa NOW Telecom, isa lamang itong money-making schemes sa bidding process.
Kabilang sa mga kailangang bayaran ng mga bidder ay P700 milyong participation security, P14-24 bilyong performance security at P10 milyong non-refundable appeal fee.
Ayon sa NOW Telecom, masyadong mabigat at mistulang pangingikil ang pagsingil ng nasabing fees.
Sa desisyon ng SC, ang ipinataw na guidelines ng NTC sa pagkuha ng ikatlong telco player sa bansa ay nararapat lamang upang masiguro na tanging ang mga may pinansyal at teknikal na kakayahan ang magkakaroon ng pribilehiyong maging bagong major player.
Itinuturing din ng Higher Court na moot and academic na ang kaso matapos manalo sa bidding process ang Dito Telecommunity. | ulat ni Mike Rogas