Matagumpay na nailigtas ng Philippine Coast Guard ang isang mangingisda na tatlong araw nang nawawala matapos lumubog ang kanyang bangka sa Agno, Pangasinan.
Sa imbestigasyon ng Coast Guard District North Western Luzon, Huwebes noong nakaraang linggo pa nang mamalaot ang mangingisda at nang pabalik na siya sa dalampasigan ay aksidenteng tinamaan ng dolphin ang kanyang motorbanca, dahilan para lumubog ito.
Agad naman daw nakalangoy ang mangingisda at nakakapit sa “payao” na nakakabit sa kanyang bangka, kaya nagawa niyang makaligtas ng tatlong araw.
Nahanap sa pamamagitan ng air surveillance Coast Guard Aviation Force ang lokasyon ng mangingisda, kung saan siya na-rescue para mabigyan ng atensyong medikal bago naihatid pauwi sa kanyang pamilya. | ulat ni MikeRogas
📷: Coast Guard District North Western Luzon