Nagpaabot ng kaniyang pakikiisa si Vice President Sara Duterte sa mga kapatid na Muslim sa pagsisimula ng banal na buwan ng Ramadan.
Sa isang pahayag, sinabi ng Pangalawang Pangulo na hangad nito na matamo ng Pilipinas ang biyaya at pagpapala ng mga salita ni Allah.
Pagkakataon din ito para sa mga kapatid na Muslim na mapalalim pa ang kanilang ugnayan kay Allah at sa kapwa, gayundin ay paraan ito upang mabigyang linaw sa tunay na halaga ng buhay.
Sa pamamagitan nito ayon kay VP Sara, makikilala ng lahat ang kanilang sarili at mapabubuti pa ang kanilang pamumuhay.
Dagdag pa ng Pangalawang Pangulo, sa isang buwan na ito ng panalangin at pag-aayuno ng mga kapatid na Muslim, hangad niya na maisabuhay araw-araw ang mga banal na salita mula sa Qur’an at gawing gabay ito sa pagharap sa kinabukasan. | ulat ni Jaymark Dagala