Kabilang sa mga hakbang na tinitingnan ngayon ng pamahalaan bilang bahagi ng paghahanda sa La Niña ay ang matiyak na magiging maayos ang daluyan ng tubig o mga drainage.
Ito, ayon kay Task Force El Niño Spokesperson at Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary Joey Villarama, ay para na rin makabawas sa epekto ng La Niña gaya ng pagbabaha.
Sinabi ni Asec. Villarama na kahit hindi La Niña o kahit sa panahon ng tag-ulan at west moonsoon ay kailangang matiyak na hindi barado ang mga drainage upang maiwasan ang labis na paglala ng mga inaasahang pagbaha.
Inihayag pa ng tagapagsalita ng TF El Niño na kung tutuusin ay hindi na kailangan pa ng anomang deklarasyon o pormal na kautusan para tiyaking maayos ang daloy ng drainage kundi awtomatiko na itong isa sa mga ginagawang paghahanda ng pamahalaan.
Sa nagdaan namang panayam kay Villarama ay sinabi nitong mahalaga ang disiplina ng bawat isa ngayong inaasahan ang pagdating ng La Niña at huwag ugaliing magtapon ng basura kung saan-saan. | ulat ni Alvin Baltazar