Inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) na nakatakda nitong ilabas ang resulta ng March Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) sa darating na May 12.
Ipapaskil ito ng CSC sa kanilang official website na www.csc.gov.ph habang maari namang ma-generate ang individual examination rating sa Online Civil Service Examination Result Generation System.
Kasunod nito, sinabi ng CSC na mataas muli ang turnout ng examinees sa katatapos na CSE-PPT noong March 3.
Ayon kay CSC Chair Karlo Nograles, mula sa kabuuang 361,674 na nagparehistro, umabot sa 335,356 o katumbas ng 92.72% ang actual examinees.
Mula sa bilang na ito, 297,955 ang kumuha ng eligibility exam para sa professional level habang higit 37,401 naman sa sub-professional.
Sa National Capital Region (NCR) naman naitala ang pinakamataas na turnout ng examinees na umabot sa 54,467, sinundan ito ng Region IV na nasa 40,546, at
Region IX na may 23,322 takers.
Nagpasalamat si Chair Nograles sa kooperasyon at disiplina ng examinees dahil naging matuwasay sa pangkalahatan ang ginawang pagsusulit sa 95 testing centers sa buong bansa.
Nagpasalamat din ito sa mga public school teachers at iba pang kawani ng pamahalaan mula sa iba’t ibang ahensya na tumulong para sa maayos na pagdaraos ng pagsusulit na nagbunga ng matagumpay na Career Service Examination. | ulat ni Merry Ann Bastasa