Muling nanindigan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na patas at dumaan sa tamang proseso ang pagbobola sa Lotto at walang pagmamanipula sa resulta nito.
Iyan ang binigyang-diin ng PCSO kasunod ng alegasyon ni Senador Raffy Tulfo na may isang indibiduwal ang 20 beses umanong nanalo sa Lotto sa magkakasunod na pagkakataon.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni PCSO General Manager Melquiades Robles na mali ang naging interpretasyon ni Senador Tulfo sa kaniyang akusasyon.
Iginiit niya na ang naturang indibiduwal ay hindi nanalo ng Jackpot sa regular Lottery Games kundi claimant o kumubra ng panalo sa kanilang digit games na mas mababa ang premyo.
Nilinaw din ni Robles na nabigo si Senador Tulfo na busisiin ang sinasabi nitong listahan ng mga nanalo sa Lotto gaya ng 6/42, Mega Lotto 6/45, Super Lotto 6/49, Grand Lotto 6/55, at Ultra Lotto 6/58 dahil walang isa man sa mga ito ang nanalo ng mahigit sa isang beses.
Dahil dito, sinabi ni Robles na ang usapin ay kung ilang beses kumubra ang sinasabing claimant ng premyo dahil hindi aniya nito nangangahulugan na ito rin ang parehong tao na nanalo sa kanilang digit games. | ulat ni Jaymark Dagala