Matapos ngang ikagulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang balita na isinapubliko ng China ang mga napag-usapan nito at ng Pilipinas sa kanilang mga bilateral meeting, ay minabuti na ng DFA na linawin ang ilang isyu hinggil dito.
Ayon sa DFA, totoong may proposal papers silang natanggap mula sa China hinggil sa usapin ng West Philippine Sea, subalit kailangan anila na naayon ito sa batas ng Pilipinas at international law.
Bagamat, ayon sa DFA, ay may ilang mga bahagi ang naturang proposal paper na pwedeng magawan ng paraan ay karamihan sa mga ito ay hindi naaayon sa interes ng Pilipinas at lumalabag sa international law.
Bunsod nito ay nagsumite naman ng counter-proposal ang DFA subalit sa halip na sagutin ng mga Intsik ay nagsumite ang mga ito ng panibagong counter proposal na labag mula sa batas ng Pilipinas at international law.
Giit ng DFA, ano mang kasunduan ang papasukin ng bansa sa kanino mang foreign government ay kinakailangang naaayon sa Konsititusyon ng Pilipinas, at international law partikular na ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award. | ulat ni Lorenz Tanjoco