Pinayuhan ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang Commission on Elections (COMELEC) na mangalap pa ng dagdag na mga impormasyon, kaugnay sa napaulat na korapsyon at malfunction sa mga eleksyon kung saan ginamit ang Miru Systems.
Ang Miru ang bagong service provider na kinontrata ng COMELEC para sa 2025 Automated Mid-term Elections.
Lubhang nababahala si Rodriguez na magkaroon ng failure of elections sa 2025 kung hindi masuri ng mabuti ng poll body ang Miru.
Ayon sa mambabatas bigo ang COMELEC na kumuha ng iba pang impormasyon mula sa mga independent third-party sources, gaya ng Carter Center, National Episcopal Conference of Congo, at Alliance of Networks and National Organizations for Monitoring Elections sa Iraq.
Bagamat nagsumite ang Miru ng “satisfactory” performance sa ginawang eleksyon sa Congo at Iraq, sinasabi ng naturang mga organisasyon na nagkaroon ng 45 percent malfunction sa voting machines sa Congo habang 70 percent ng voting centers sa Iraq ang hindi gumana.
“Certainly, I can see that they [the COMELEC] did not get all the information to make an informed choice that Miru can do a good job counting votes in 2025… We don’t want that to happen to our country,” sabi ni Rodriguez.
Kaya hinimok nito ang COMELEC na kunin ang lahat ng impormasyon ukol sa performance ng Miru sa lahat ng automated elections na hinawakan nito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes