Naghain ng resolusyon si San Jose del Monte City Rep. Rida Robes upang paimbestigahan sa Kamara ang kasalukuyang estado ng serbisyo ng patubig sa bansa.
Sa kaniyang House Resolution 1619, inaatasan ang angkop na komite na magsagawa ng inquiry in aid of legislation para isailalim sa review ang serbisyo ng mga water district o private water company at ang regulasyon at implementasyon ng bagong water tariff.
Layon din ng pagdinig na masiguro na may access ang lahat ng Pilipino sa ligtas, malinis na maiinom, at abot-kayang tubig.
Ibinahagi nito ang resulta ng SWS survey noong 2023, kung saan lumalabas na 67% lang o 17 milyong Pilipino ang may access sa running water kung saan 58% sa mga kabahayan ay sinisingil ng hindi bababa sa P500 kada buwan para sa bill sa tubig.
Isa sa ipinupunto ni Robes ay ang hindi napapanahong pagpapatupad ng bagong taripa sa tubig lalo at marami ang bumabangon pa rin mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Katunayan, tinukoy nito ang datos ng Local Water Utilities Administration o LWUA kung saan lumalabas na ang Baguio ang may pinakamataas na presyo ng tubig sa hanay ng mga siyudad sa Pilipinas na sinundan ng kaniyang distrito na San Jose del Monte City sa Bulacan.
Kaya kasama rin sa kaniyang panukala na patawan ng karampatang parusa ang mga indibidwal o kompanya na mapapatunayang nagpapatupad ng hindi makatwirang taas singil sa kanilang water rates. | ulat ni Kathleen Jean Forbes