Sa botong 23 na senador ang pumabor, walang tutol at walang abstention, aprubado ng Senado ang resolusyong nanghihingi ng pag-sang-ayon ng Senado sa Presidential Proclamation Number 404.
Ito ang kautusan tungkol sa pagbibigay ng amnestiya sa 3,000 na dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa ilalim ng inaprubahang House Concurrent Resolution No. 20, bibigyan ng amnestiya ang mga dating CPP-NPA-NDF members na nakagawa ng krimen sa ilalim ng revised penal code at special penal laws na may kaugnayan sa kanilang political beliefs.
Kabilang sa mga krimen na ito ang rebelyon o insurrection, sedition, illegal assembly, direct and indirect assault, resistance and disobedience to a person in authority at illegal possesion of firearms, ammunition o explosives.
Sa bisa nito ay buburahin ang lahat ng criminal liability ng mga dating rebelde na ginawa nila nang may kaugnayan sa kanilang political beliefs at ibabalik na rin sa kanila ang kanilang civil at political rights.
Gayunpaman, hindi sakop ng amnesty ang mga nakagawa ng krimen na may kaugnayan sa paglabag sa Human Security act at anti-terrorism law.
Kasama sa mga krimen na hindi masasakop ng amnestiya ang kidnap for ransom, massacre, rape, terrorism, crimes against chastity, crimes committed for personal ends, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, matinding paglabag sa Geneva Convention of 1949, genocide, crimes against humanity, war crimes, torture, enforced disappearances, at iba pang matinding paglabag sa karapatang pantao.
Nilinaw ng sponsor ng resolusyon na si Senate Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada na ang pagkakaloob ng amnestiya ay sasailalim sa proseso, sa pangunguna ng National Amnesty Commission at mga local amnesty boards na magsasagawa ng masusing vetting process katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, gaya ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Bureau of Investigation (NBI) para matiyak na kwalipikado sila na gawaran ng amnestiya. | ulat ni Nimfa Asuncion