Inanunsyo ngayon ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na 24-oras nang bukas ang kanilang hotline.
Ito’y para sa mabilis at epektibong pagsangguni ng mga miyembro nito na may kinamalan sa kanilang benepisyo.
Kasabay nito, inilunsad din ng State Health Insurer ang “Click to Call” channel sa kanilang website upang 24-oras ding bukas.
Ayon kay PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma, sa pamamagitan nito ay mabibigyan na rin ng access maging ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) anumang araw at oras na nais nilang sumangguni sa PhilHealth.
Para sa PhilHealth hotline, i-dial lamang ang mga numerong (02) 8862-2588 o di kaya’y pindutin ang “Click to Call” button sa kanang-ibabang bahagi ng website at may sasagot dito na isang live agent.
Maliban dito, maaari ring mag-request ang mga miyembro ng callback sa pamamagitan ng text messaging.
I-text lamang ang PHICallback mobile number na tatawagan “ang inyong katanungan” at i-send sa 0998-8572957, 0968-8654670, 0917-1275987, at 0917-1109812.
Dito naman, ipinaalala ni Ledesma na maging mapanuri kung gagamit ng callback channel at tiyaking lehitimong taga-PhilHealth ang kanilang makakausap.
Maiging tanungin ang agent ng ilang detalye gaya ng kung kailan nag-request ng callback ang miyembro. | ulat ni Jaymark Dagala