Umaasa si House Committee on Health Chair at Batanes Representative Ciriaco Gato Jr. na mapabilis ang pagtalakay sa Kamara ng mga panukala para sa modernisasyon ng Philippine General Hospital (PGH).
Ayon kay Gato, ang kagyat na pagsasabatas ng mga panukalang ito ay makatutulong para sa mabilis na pagsasaayos ng PGH kasunod ng sunog sa apat na ward nito, Miyerkules ng hapon.
Nagpahayag ng pag-aalala ang mambabatas sa insidente lalo at may personal value ang PGH sa kaniya dahil dito siya nagsanay noong bagong doktor pa lamang siya.
Bilang premier tertiary hospital sa bansa, may malaking epekto din aniya sa serbisyo ng ospital, lalo na para sa mga kapos na pasyente, ang nangyaring sunog.
Kaya mahalaga aniya na bigyang prayoridad ang upgrading at modernisasyon ng lahat ng public health infrastructure sa bansa.
“These incidents highlight the urgent need to invest in our public healthcare infrastructure. We must prioritize the upgrading and modernization of our hospitals, ensuring they are equipped with proper fire safety measures and advanced medical equipment,” saad ni Gato.
Noong 2021 ay nagkaroon na rin ng sunog sa PGH sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. | ulat ni Kathleen Jean Forbes