May paki-usap ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista, igalang pa rin ang mga traffic enforcer ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR).
Ito ang inihayag ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes makaraang atasan ng Korte Suprema ang mga Metro LGU na itigil na ang panghuhuli ng kanilang mga traffic enforcer sa mga lalabag sa batas trapiko.
Nakasaad kasi sa naturang desisyon ng High Tribunal ang pagkilala nito sa kapangyarihan ng MMDA na ipatupad ang batas trapiko alinsunod na rin sa batas na lumilikha rito.
Dahil sa nakarating sa kanilang impormasyon hinggil sa pangangatwiran ng ilang motorista kapag hinuhuli ng traffic enforcers ng iba’t ibang LGU, umapila si Artes na huwag namang mamilosopo.
Giit ni Artes, tiyak kasing magkakabuhol-buhol ang trapiko sakaling itigil ng Metro Manila LGUs ang pagi-issue ng violation ticket.
Kaya naman puspusan ang ginagawa nilang hakbang para ma-deputize ang mga traffic enforcer ng LGUs upang maging katuwang nila sa pagpapatupad ng batas trapiko lalo’t aminado ang MMDA na kulang sila ng tauhan. | ulat ni Jaymark Dagala