All set na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pag-arangkada ng kauna-unahang Regional Roadshow nito ngayong 2024.
Tinawag itong Bayang Digital ang Bagong Pilipinas: DICT Regional Roadshow 2024 na ilulunsad sa National University Clark, Pampanga simula ngayong Huwebes, March 14 hanggang 15.
Pangungunahan ni DICT Secretary Ivan John Uy, kung saan tampok ang ilang flagship programs ng ahensya tungo sa pagtaguyod ng isang Bayang Digital.
Ngayong umaga, nagsisimula nang magdatingan ang ilan sa mga participant ng naturang roadshow kabilang ang mga LGU at mga estudyante ng NU.
Ayon sa DICT, magandang pagkakataon ang naturang roadshow para maipakilala sa publiko ang mga serbisyong alok ng DICT maliban pa sa free wifi for all.
Sa bungad ng NU Clark Sports Complex, nakalatag na ang ilang booths ng DICT kung saan tampok ang ibat ibang serbisyo nitong iniaalok kasama na rito ang e-Gov PH at ang e-LGU system na alok nito sa mga LGU para makasunod sa ease of doing business.
Sa unang araw ng roadshow, magkakaroon ng mga breakout sessions kung saan ibat ibang lectures ang ibibigay ng DICT gaya ng cybersecurity para sa mga kawani ng gobyerno, digital parenting para sa mga magulang, teen guide sa data privacy act para sa mga estudyante at mga guro at maging ang usapin ng National Broadban Plan 2.0.
Ayon sa DICT, sa pamamagitan ng roadshow, umaasa itong mas maraming pilipino at ahensya ng pamahalaan ang maging konektado at yakapin ang digitalisasyon.
Bukod dito sa Pampanga, ilan pa sa target na ikutan ng Regional Roadshow sa mg susunod na buwan ang Region 1, CALABARZON at MIMAROPA. | ulat ni Merry Ann Bastasa