Abiso sa mga motorista, asahan ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa ilang lansangan sa Metro Manila simula alas-9 ng gabi bukas, March 15 hanggang alas-4 ng umaga ng Sabado, March 16.
Gayundin sa parehong oras sa Sabado ng gabi hanggang Linggo ng madaling araw.
Ito’y ayon sa Department of Transportation (DOTr) ay kasunod na rin ng isasagawang paghahatid ng Tunnel Boring Machine na siya namang gagamitin para sa konstruksyon ng Metro Manila Subway Project sa bahagi ng Kampo Aguinaldo.
Kabilang sa mga apektadong lansangan sa nabanggit na oras ay ang Port Area at R-10 Road sa Lungsod ng Maynila; C-3 Road sa bahagi ng Malabon-Navotas area; at 5th Avenue sa Caloocan City.
Gayundin sa G. Araneta Avenue; E. Rodriguez Sr; Gilmore Avenue, at Col. Boni Serrano Avenue sa Quezon City.
Ang Tunnel Boring Machine ay siyang gagamitin para sa mabilis na paggawa ng tunnel na kokonekta sa Camp Aguinaldo at Ortigas Station ng Metro Manila Subway Project.
Maaga pa lamang, humihingi na ng paumanhin ang DOTr sa abalang maidudulot nito sa daloy ng trapiko at pinapayuhan din nila ang mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta. | ulat ni Jaymark Dagala