Ramdam na ng ilang mamimili sa Marikina City Public Market ang pagbaba ng presyo ng bigas.
Ito’y kasunod na rin ng pagtaya ng Department of Agriculture (DA) na bababa ang presyo ng bigas bunsod na rin ng panahon ng anihan kaya’t inaasahan na rin ang pagbaba ng bentahan ng palay.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, kung dati ay naglalaro lamang sa ₱50 hanggang ₱52 ang kada kilo ng well milled rice, bumaba na ito ngayon sa ₱49 ang kada kilo.
Ayon sa mga nagtitinda ng bigas, bunsod kasi ito ng pagdating ng mga inangkat na bigas gayundin ang pagdami pa ng suplay nito ngayong panahon ng anihan.
Una nang sinabi ni Agriculture Undersecretary Arnel de Mesa, asahan nang papalo sa ₱45 ang kada kilo ng regular-milled habang nasa ₱48 naman ang presyo ng kada kilo ng well-milled rice sa mga pamilihan.
Batay pa sa monitoring ng DA, bumaba na rin kasi ang presyo ng bigas sa world market na nasa $570 kada metriko tonelada mula sa dating $700 noong isang taon. | ulat ni Jaymark Dagala