Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na naka-uwi na sa bansa ang dalawang Pilipinong tripolante ng cargo vessel na “True Confidence.”
Ito’y kasunod ng pag-atake ng Houti rebels sa Gulf of Aden nitong March 6 kung saan tatlo ang nasawi kabilang na ang dalawa pang Pilipino.
Batay sa abiso ng DMW, alas-6:45 kaninang umaga nang dumating sa Pilipinas ang dalawang tripolante sakay ng Medical Evacuation Flight.
Binigyan ng “Fit for travel” clearance ang dalawang Pilipino matapos silang magtamo ng malubhang pinsala dulot ng missile attack kaya’t agad silang dinala sa isang ospital sa Djibouti City.
Sinalubong ang mga ito ng medical team at saka dinala naman sa ospital para doon ipagpatuloy ang kanilang pagpapagaling.
Kasama na ng mga ito ang kani-kanilang pamilya na humingi naman ng privacy upang makasama ang kanilang mahal sa buhay.
Una nang naka-uwi ang 11 kasamahan nilang tripolante habang patuloy pa ring pinaghahanap ang labi ng dalawa pang Pinoy na nasawi sa insidente. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: DMW-OWWA