Muling naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mas mataas na average farmgate price ng palay nitong buwan ng Pebrero.
Sa monitoring nito, tumaas pa sa P25.21 ang kada kilo ng palay.
Mas mataas ito ng 1.2% kung ikukumpara sa P24.92 na kada kilo ng palay farmgate price noong Enero at mas mataas rin ng 38.6% kumpara sa naitalang farmgate price noong nakaraang taon na aabot sa P18.19 kada kilo.
Sa mga rehiyon naman, ang Region 1 o Ilocos Region ang may pinakamataas na farmgate price ng palay na umabot sa P28.41 ang kada kilo.
Habang ang pinakamababa naman ay naitala sa Eastern Visayas sa P23.10 kada kilo.
Ayon sa PSA, lahat ng rehiyon ay nagtala ng positibong year-on-year growth rates nitong Pebrero.
Una na ring naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang bahagyang pagbaba sa wholesale price ng bigas nitong Pebrero partikular ang premium rice at special rice. | ulat ni Merry Ann Bastasa