Sumuko sa 30th Infantry Battalion headquarters ang top leader ng NPA sa Surigao Del Norte at tatlo nitong kasamahan, dala ang isang katutak na armas ng mga teroristang komunista.
Kinilala ni 901st Brigade Commander Brigadier General Arsenio DC Sadural ang sumukong lider komunista na si Juanita Leyson, alyas “Kikay”, ang Secretary ng Sub-Regional Committee Northland (SRC NL) ng Northeastern Mindanao Regional Committee (NEMRC).
Kasama niyang sumuko sina: Rajem Pertos alyas “Patrick,” Jezalyn Platil alyas “Mocha,” at Pegi Diaz alyas “Jeff.”
Kasabay nilang isinuko ang 2 high-powered firearms, mahigit 9,000 bala ng AK-47, bulletproof vests, at samu’t saring modernong kagamitang pandigma.
Ayon kay BGen. Sadural, ang pagsuko ni Leyson ay seryosong makaaapekto sa kakayahan ng NPA na magsagawa ng extortion activities sa Surigao del Norte at kalapit na lalawigan, at isang malaking hakbang sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa lalawigan at sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne
📷; 901Bde