Iniulat ng Bureau of Jail Management and Penology na bumaba ang congestion rate ng persons deprived of liberty (PDLs) kada selda sa kanilang mga pasilidad nang hanggang 367 percent mula sa dating 600 percent.
Ayon kay BJMP Spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera, sa kasalukuyan ay nasa 126,000 PDLs ang nagsisiksikan sa loob ng may 478 jail facilities nila sa buong bansa.
Malaking pagbaba na aniya ang 367% congestion rate kumpara sa dating 600% na naitala noong 2018, na kasagsagan ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tiniyak naman ni Bustinera, na patuloy na gumagawa ng hakbang ang BJMP upang masolusyunan ang masisikip na bilangguan. | ulat ni Rey Ferrer