Nag-commit si Finance Secretary Ralph Recto na patuloy nitong isusulong ang “growth enhancing fiscal consolidation,” sa pamamagitan ng mas pinahusay na tax administration at pag-iwas ng maaksayang paggasta at pagpapalakas ng pamumuhunan.
Ito ang inihayag ni Recto kasunod ng kanyang mabilis na confirmation sa Commission on Appointments (CA).
Diin ng kalihim, ang natatanging layunin ng inclusive growth ay ang pagbuti ng buhay ng bawat isang Pilipino at ng mga susunod na henerasyon.
Aniya, upang mapondohan ang P5.768 trillion na national budget ngayong taon malaki ang kinakaharap ng tungkulin na makapag-raise ng P15.8 billion kada taon.
Ang naturang halaga ay gagamitin upang masustine ang investment sa infrastructure at para sa human capital development.
Nabanggit din ng kalihim ang kanyang pagnanais na magpataw ng buwis dahil sa lumalaking populasyon ng Pilipinas, pero isinantabi muna ito upang bigyang pansin ang laganap na “tax leaks”.
Maliban sa tax administration, itinutulak din ng Department of Finance ang pagsasabatas ng mga priority tax measure sa Kongreso upang makamit ang fiscal consolidation.
Hinimok din Sec. Recto ang Kongreso, na ipasa ang lahat ng prayoridad na reporma sa loob ng taon. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes