Palalakasin ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang kooperasyon nito, partikular sa linya ng paggawa sa nakatakdang pagtungo doon ni Migrant Workers Secretary Susan Ople, sa susunod na buwan.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng kalihim na isa lamang sa kanilang mapag-uusapan ang unpaid claims ng nasa 10,000 overseas Filipino workers (OFWs) ng mga kumpanya na na-bankrupt noong 2015 at 2016.
Mayroon na aniyang binuong special committee ang KSA para dito, at mauuna na rin aniyang maisumite ang listahan ng claimants bago pa ang mismong araw ng kaniyang pagtungo sa Saudi, upang agad na gumulong ang proseso.
Ayon sa opisyal, mayroon pang ibang usapin ang kanilang tatalakayin.
Nariyan aniya ang bilateral labor agreement sa pagitan ng dalawang bansa, at ang usapin sa sweldo ng mga manggagawa.
Ayon kay Secretary Ople, inaasahan na pagtitibayin rin ang Standard Employment Contract, upang patuloy na maisulong ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino. | ulat ni Racquel Bayan