Naghain ng motion for reconsideration ang 108 na suspendidong mga opisyal at empleyado ng National Food Authority (NFA) sa Office of the Ombudsman.
Kabilang sila sa 139 na mga opisyal at empleyado ng NFA na pinatawan ng preventive suspension ng Office of the Ombudsman dahil sa umano’y iregularidad sa pagbebenta ng bigas.
Iginiit ng grupo na wala silang kinalaman sa nasabing alegasyon.
Ayon kay Atty. Raphael Rayco, ang abogado ng 108 na mga opisyal at empleyado ng NFA, hiniling nila sa Ombudsman na bawiin ang suspensyon at maging maingat sa pagdedesisyon.
Ani Atty. Rayco, batay sa datos, ilang sa mga sinuspindeng kawani ng NFA ay patay na, retirado, isa ang naka-study leave, at mali ang mga designation.
Dagdag ni Rayco, hindi ito patas para sa mga 108 na kawani na ginagawa ang kanilang trabaho para sa bayan.
Hirap at wala na rin aniya silang kinikita dahil sa kanilang pagkakasuspinde nang walang bayad.
Karamihan sa naghain ng motion for reconsideration ay mga warehouse supervisor, branch at regional manager mula sa Region 1 hanggang sa Bangsamoro Region. | ulat ni Diane Lear