Kasalukuyan nang binibigyan ng atensyong medikal sa isang pribadong ospital ang dalawang Pilipinong tripulante ng MV True Confidence na nasugatan sa missile attack ng Houthi rebels sa Gulf of Aden.
Binisita kaninang hapon nina Migrant Workers Acting officer-in-charge Undersecretary Bernard Olalia at Assistant Secretary Felicitas Bay ang dalawang biktima upang matingnan ang kondisyon ng mga ito at tiniyak ang suporta ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon kay Undersecretary Olalia, nagpapasalamat siya na nakasama ng dalawang biktima ang kanilang mga pamilya.
Sa ngayon, stable ang kondisyon ng mga ito ngunit kinakailangan pang sumailalim sa full medical evaluation at assessment bukas.
Sinabi ng mga medical authority na ito ay upang matukoy kung anong klaseng treament at gamot ang ibibigay sa mga seafarer sa mga susunod na araw.
Bukod dito, nakatanggap din ng P50,000 na tulong pinansyal ang mga seafarer mula sa DMW.
Ang dalawang Pilipinong tripulante ng nasabing cargo vessel ay nakauwi sa bansa kaninang umaga sakay ng air ambulance mula sa Djibouti City sa Africa. | ulat ni Diane Lear