Inudyukan ni ACT CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang Kamara na magsagawa ng motu proprio inquiry kaugnay sa kung paano nakalusot ang pagpapatayo at operasyon ng isang resort sa gitna mismo ng Chocolate Hills.
Ayon kay Tulfo, nais paimbestigahan ng House leadership kung paano nakapagpatayo ng resort sa gitna ng pamosong Chocolate Hills na maliban sa isang UNESCO Geopark ay isa ring protected area.
Partikular sa nais matukoy ay kung sino ang nagbigay ng permit para maitayo ang Captain’s Peak, at kung paano nakalusot sa pagbabantay ng DENR ang naturang resort.
Gusto rin aniya nila malaman kung paano nakakuha ng titulo para sa lupa sa naturang lugar.
Kabilang naman aniya sa mga ipapatawag ang lokal na pamahalaan mula munisipyo hanggang provincial government, ang DENR pati na ang Land Registration Authority.
“kaya gusto nating paimbistigahan at gusto rin pong paimbistigahan ni Speaker, sino ang nagbigay ng permit, building permit, kasi hindi ka naman pupuwedeng mag-construct ng kung anumang bagay dito sa Pilipinas kung wala ka pong permit. Dapat po nanggagaling po iyan sa LGU. Ano hong ginawa ng LGU? Kaya hindi ho nila puwedeng hindi alam. Pangalawa po, ang dami pong sisisihin diyan eh, pati iyong provincial government, akalain mo nag-party pa pala sila kung hindi ba naman mga luko-luko. Pangatlo, pag mga ganun po na mga ika nga heritage site, tourist attraction, iyan po ay may mga park rangers, kung tawagin ng DENR, sila po iyong nagbabantay diyan. Ang tanong ko, nasaan iyong park ranger ng DENR…LRA din po ipapatawag ho natin, bakit napa-titulohan po iyan” saad ni Tulfo
Suportado naman ni Anakalusugan Rep. Ray Reyes ang hakbang na ito ni Tulfo.
Sabi niya, posibleng ‘tip of the iceberg’ pa lang ang isyung lumalabas ngayon at mas maraming mauungkat oras na maikasa ang imbestigasyon.
Tinukoy pa ni Reyes, na noong 2023 ay pinatigil na ng DENR ang operasyon nito kaya’t nakapagtataka kung bakit bukas pa rin ito hanggang ngayon.
Sabi pa ng mambabatas na kahit pa sabihing natituluhan ang mga lupa dito, dahil nga sa isa itong protected area ay hindi basta-basta maaaring magtayo ng istruktura na makakasira dito.
“So, A lot of questions, ang dami mga katanungan na kailangan ng sagot. Pinasara na pala ito tapos bakit pinayagan pa rin ng LGU na magpatakbo iyong resort? So again, top tip of the iceberg palang po yung nakikita natin dito and I actually look forward to this motu proprio inquiry,” sabi ni Reyes. | ulat ni Kathleen Forbes