Sinalakay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang bodega ng isang kilalang vape brand sa Laguna dahil sa bigong pagbabayad ng tamang buwis.
Nagresulta ito sa pagkumpiska ng nasa 1,029 master boxes (102,900 bote) ng mga vape at pagkaaresto rin ng dalawang tauhan ng warehouse sa San Pablo, Laguna.
Katuwang sa ikinasang operasyon ng BIR ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group, Laguna Provincial Field Unit (PNPCIDG-Laguna).
Ayon sa kalkulasyon ng BIR, nasa ₱75.74-million ang total ng deficiency taxes mula sa San Pablo raid.
Kabilang sa mga kasong kriminal na kakaharapin ng mga suspek na ipapasa ng BIR ay ang mga sumusunod:
Section 130 – Filing of Return and Payment of Excise Tax on Domestic Products, Section 131 – Payment of Excise Taxes on Imported Articles, Section 145 – Cigars and Cigarettes, Section 255 – Failure to File Return, Supply Correct and Accurate Information, Pay Tax Withhold and Remit Tax and Refund Excess Taxes Withheld on Compensation, Section 263 – Unlawful Possession or Removal of Articles Subject to Excise Tax Without Payment of the Tax, at Section 254 – Attempt to Evade or Defeat Tax of the National Internal Revenue Code.
Kaugnay nito, muli namang nanawagan ang BIR sa mga nagnenegosyo ng vape na tiyaking ligal ang kanilang negosyo at nagbabayad ng tamang buwis nang hindi managot sa batas.
“Para sa lahat nang nagnenegosyo ng vape, gawin niyo na pong legal ang iyong negosyo, tutulungan kayo ng BIR. Handa kami tumulong at gabayan kayo sa aming mga proseso para makapagnegosyo po kayo ng mapayapa,” pahayag ni Commissioner Lumagui. | ulat ni Merry Ann Bastasa