Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong kumpiyansa sa pamamahala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Batay sa inilabas nitong survey, tumaas ng tatlong puntos ang satisfaction rating ng Pangulo na nasa +47 noong Disyembre ng 2023 mula sa +44 noong Setyembre ng 2023.
Nananatili pa rin ito sa ‘good’ na net satisfaction rating.
Pinakamataas ang nakuhang satisfaction rating ng Pangulo sa Balance Luzon na +52 o nasa ‘very good’ na sinundan ng Visayas (‘very good’ +51).
Kung ikukumpara din noong Setyembre 2023, tumaas ng walong puntos ang net satisfaction ng Pangulo sa Metro Manila.
Pinakamababa naman ang satisfaction rating na nakuha ni Pangulong Marcos sa Mindanao na +38 o ‘good’.
Ramdam din sa mga lalawigan ang mataas na kumpiyansa sa Pangulo dahil tumaas sa rural areas ang net satisfaction nito na nasa ‘very good’ +56 o mas mataas ng 12 puntos kumpara noong Setyembre.
Pagdating sa age bracket, very good ang net satisfaction rating ng Pangulo sa mga nasa edad 18-24, na sinundan ng 25-34.
Isinagawa ang Fourth Quarter 2023 SWS Survey mula December 8-11, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents sa buong bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa