Sumisigla na ang bentahan ngayon ng mangga sa mga pamilihan lalo’t isa ito sa paboritong panghimagas ng mga Pilipino.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa iba’t ibang pamilihan sa silangang bahagi ng Metro Manila, naglalaro ang presyo ng mangga mula P80 hanggang P120 ang kada kilo.
Ayon sa ilang mga magpu-prutas, nagsisimula nang dumami ang suplay ng mangga lalo’t panahon na nito ngayong tag-init.
Kadalasang namimili nito ay mga nagtitinda ng fruit shake stand habang may ilan naman na bumibili ng patingi-tingi para sa kanilang kabahayan.
Maliban sa mangga, patok din ang iba pang mga prutas tuwing panahon ng tag-init gaya ng melon o honey dew at pakwan.
Pero payo naman ng mga eksperto sa kalusugan, bagaman may mga benepisyong hatid ang mga nabanggit na prutas pero mainam pa rin na “in moderation” pa rin ang pagkonsumo nito. | ulat ni Jaymark Dagala