Suportado ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng National Economic Development Authority (NEDA) ang itinutulak ng World Bank na reporma sa broadband competition at infrastructure sa bansa.
Sa isinagawang ‘Future of Philippine Connectivity Forum’, ipinunto ni DICT Sec. Ivan John Uy ang mga hakbang ng pamahalaan para maitulak ang isang bayang digital.
Kasama na rito ang pagpapalawak ng ‘Broadband ng Masa’ program.
Binigyang diin naman ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan ang pangangailangan na mapalakas ang access sa connectivity ng Pilipinas dahil susi ito sa socioeconomic development.
Sa panig ng NEDA, itinutulak nito ang agarang pagpasa sa Open Access in Data Transmission o ang Konektadong Pinoy bill na ngayon ay bahagi na ng priority measures ng gobyerno.
Sa ilalim nito, itinutulak ang mas simpleng proseso sa pagtatayo ng mga internet infrastructure sa pamamagitan ng pagbawas sa mga ligal na proseso at requirement.
Ayon kay Sec. Balisacan, sa pamamagitan nito, inaasahang mas dadami ang mga Pilipino na mayroong access sa internet. | ulat ni Merry Ann Bastasa