Isang resolusyon ang inihain sa Kamara na nananawagan para sa paglalatag ng hakbang upang maprotektahan ang kapakanan ng Filipino seafarers sa harap ng nagpapatuloy na pag-atake sa commercial shipping sa Gulf of Aden at Red Sea.
Sa House Resolution Number 1651 na iniakda ng anim na mambabatas sa pangunguna ni Kabayan Party-list Rep. Ron Salo, iniaapela sa maritime stakeholders, United Nations organizations at mga ahensya ng gobyerno ang pagpapatupad ng epektibong safety measures nang walang delay.
Ang resolusyon ay bunsod na rin ng naganap na missile strike sa M/V True Confidence sa Yemeni Coast na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa sa Pilipinong tripulante at ang hostage-taking incident sa Galaxy Leader cargo ship sangkot ang Houthi armed groups noong Nobyembre 2023
Kinikilala ng resolusyon ang malaking hamon na kinahaharap ng shipowners sa pagbibigay ng sapat na proteksyon sa mga barko at crew members.
Kaisa rin ang mga kongresista sa panawagan ng International Transport Workers’ Federation at Associated Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippines sa mga may-ari ng barko na i-divert o umiwas muna sa Red Sea at Gulf of Aden hanggang magarantiya ang kaligtasan ng seafarers.
Umapela rin ang mga mambabatas sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na makipagtulungan sa international authorities upang i-adopt ang mga hakbang na titiyak sa kaligtasan ng mga Pinoy seafarers. | ulat ni Kathleen Jean Forbes