Hihilingin ni Senate Committee on Women Chairperson Senador Risa Hontiveros kay Senate President Juan Miguel Zubiri na aprubahan at maglabas na ng Warrant of Arrest laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ang development na ito ay kasunod ng tugon ng kampo ni Quiboloy sa Show Cause Order na inilabas ng Senate panel kung saan pinaliwanag ng abogado ng religious leader kung bakit hindi ito dapat arestuhin ng Senado.
Sa isang pahayag, pinaliwanag ni Hontiveros na makukulong lang si Quiboloy sa Senado dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig, at hindi para sa mga mabibigat na paratang ng mga biktima laban sa kanya.
Sinagot rin ng senadora ang pahayag ng kampo ni Quiboloy na dapat iakyat sa plenaryo ng senado ang pag-determine ng show cause order.
Paliwanag ni Hontiveros, sa katunayan ay wala sa rules ng Senado ang paglalabas ng Show Cause Order at ginawa lang ito bilang kurtesiya sa hiling ni Senador Robin Padilla sa hiling na rin ni SP Zubiri.
Kaya naman kung wala sa rules ang Show Cause Order, lalo na aniya ang pangangailangan na talakayin pa ito sa plenaryo.
Pagdating naman sa sinasabi ng kampo ni Quiboloy na incrimininatory ang resolusyong tinatalakay ng kanyang komite, binigyang-diin ni Hontiveros na hindi hukom ang Senado.
Hindi aniya nila maaaring husgahan ang pagiging guilty o inosente ng inaakusahan.
Sa huli, muling nanawagan ang senador kay Quiboloy na magpakita na lang sa pagdinig ng Senado. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion