Pinaaga ng Port Management Offices (PMOs) ng Philippine Ports Authority (PPA) sa buong bansa ang pagsasagawa nito ng mga paghahanda para sa paparating na Semana Santa ngayong taon.
Kabilang sa mga paghahanda ng PPA ay ang pag-igting ng seguridad sa mga pantalan at paglalagay ng mga Help Desk na nakahandang tumulong sa pangangailangan ng mga sasakay at bababang pasahero sa mga barko.
Maliban dito, mayroon ring kanya-kanyang preparasyon ang bawat PMO upang masiguro ang ligtas at maayos na biyahe ng publiko.
Ilan dito ang pagpapalabas ng libreng film showing, paglalagay ng mga directional signages, tents, paglalagay ng mga fast lanes para sa mga pasahero na maliliit na bag lamang ang dala, gayundin para sa mga senior citizen, persons with disability, buntis, at may dalang bata.
Tuloy din ang pagpapatupad ng PPA ng sistema tulad ng ‘Blue Lane and One Stop Shop’ sa Port of Matnog na malaki umano ang naitulong sa daloy ng mga sasakyan at maiwasan ang problema ng fixing.
Ngayong Holy Week 2024 inaasahan ng PPA na aabot sa higit 2 milyong pasahero ang dadagsa sa mga pantalan sa buong bansa mas mataas kumpara sa statistics noong nakaraang taon na umabot sa higit sa 1.8 milyong pasahero.| ulat ni EJ Lazaro