Nagpasalamat si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. sa Ombudsman sa agarang desisyon nitong alisin ang suspension order laban sa higit 20 kawani ng National Food Authority (NFA) na naiugnay sa umano’y paluging bentahan ng rice buffer stock sa mga trader.
Matatandaang sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na ang suspension order ay inalis makaraang maberipika ng mga imbestigador na mayroong mali sa mga datos na isinumite ng DA.
Ayon kay Sec. Tiu Laurel, magandang balita ito dahil nangangahulugan itong makakabalik na ang ilang kawani ng NFA sa trabaho.
Umaasa naman ang kalihim na mas maalis na rin ang suspension order ng ilan pang kawani para maibalik na sa normal ang operasyon ng NFA.
“We hope that more suspensions will be lifted in due time so that NFA operations will normalize,” ayon sa agri chief.
Kaugnay nito, nilinaw naman ng kalihim na hindi na bineripika pa ng DA ang listahang nagmula sa NFA at agad itong isinumite sa Ombudsman dahil sa ‘urgent request’ at upang hindi na ito magdulot pa ng kalituhan.
“The list was given to us by NFA and we just forwarded it to the Ombudsman, believing that is current and up-to-date. We had no chance to audit the list because of the urgency of the Ombudsman’s request. Had we verified the list with NFA management, it might have stirred suspicion as to why we are asking too much details; we were already conducting our own investigation at that time,” dagdag pa ng DA chief.
Sa ngayon, ongoing pa rin ang sariling imbestigasyon ng DA sa kontrobersya sa NFA. | ulat ni Merry Ann Bastasa