Pumalo na sa halos ₱380 milyon ang naipaabot na tulong ng Department of Agriculture sa mga magsasakang tinamaan ng El Niño.
Ayon kay DA Spox Asec. Arnel de Mesa, kasama sa naipamahaging tulong ng kagawaran ang high-value crops na nagkakahalaga ng P900,000 sa mga apektadong magsasaka sa Iloilo at Negros Occidental.
Namahagi na rin ang DA ng ₱7.87 milyong halaga ng hybrid rice seeds at ₱7.6 milyong halaga ng fertilizers sa Western Visayas.
Aabot naman sa 71,795 na mga magsasaka sa MIMAROPA ang nabahagian ng financial assistance sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) Program MIMAROPA Region para sa kabuuang halaga na ₱362.56 milyon.
Bukod dito, tuloy-tuloy na rin ang cloud-seeding operations ng DA-Bureau of Soils and Water Management (BSWM), katuwang ang DOST-PAGASA at Department of National Defense-Philippine Air Force (DND-PAF) sa Southern Cagayan at Northern Isabela, na nagresulta na sa pagkakaroon ng moderate rainfall sa lugar.
Sa panig ng National Irrigation Administration (NIA), nasa 570 water augmentation pumps na rin ang nai-install nito sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, at Western Visayas regions.
Kaugnay nito, pinaiiral na rin ang alternate wetting-and-drying method sa 162,623 na ektarya ng lupang sakahan sa bansa.
Batay sa pinakahuling El Niño bulletin ng DA, nasa ₱1.75 bilyon na ang halaga ng pinsalang dulot ng El Niño sa walong rehiyon sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa