Positibo ang pagtanggap ng House leadership sa naging pahayag kamakailan ni Senate President Juan Miguel ‘Migz” Zubiri na ‘on track’ sila sa Senado sa planong pagpapatibay ng economic charter change na nakapaloob sa kanilang Resolution of Both Houses No. 6.
Inihayag ito ni Zubiri sa isang pulong balitaan kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. habang nasa Czech Republic.
Ayon kay Deputy Speaker David ‘Jayjay’ Suarez, pinapatunayan nito na desidido ang Senado na ipasa ang economic cha-cha.
Mungkahi naman nito na gamitin ang Holy Week break upang makapag-usap ang liderato ng Kamara at Senado sa kung ano ang magiging hakbang patungkol sa planong amyenda ng Saligang Batas.
Inaasahan na sa Miyerkules ay pagbobotohan sa plenaryo ang Resolution of Both Houses 7 na bersyon ng Kamara ang econ cha-cha.
Kailangan ito makakuha ng ¾ vote o higit 230 na boto mula sa mga miyembro para mapagtibay.
Pero ayon kay Suarez, ngayon pa lamang ay nasa higit 280 na sa mga kongresista ang co-author ng RBH 7 na para na rin aniyang boto nila pabor dito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes