Nagpasalamat si Senate Committee on Agriculture Chairperson Senator Cynthia Villar sa pagbibigay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng bagong buhay sa industriya ng pag-aasin sa Pilipinas.
Ito ay matapos mapirmahan ni Pangulong Marcos bilang ganap na batas ang Republic Act (RA) 11985 o ang Salt Industry Revitalization law.
Ayon kay Villar, ang batas na ito ay isang welcome development dahil mabibigyan nito ng oportunidad na muling buhayin ang salt industry sa Pilipinas.
Binigyang diin ni Villar, na kailangang matugunan ang tumataas na demand ng mga Pilipino para sa asin.
Ipinunto nito na sa kasalukuyan, ang lokal na produksyon ng asin sa bansa ay tumutugon lang sa 16.8 percent ng annual demand ng bansa.
Sa ilalim ng batas, imamandato sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na tukuyin at italaga ang public lands at municipal waters, bilang salt production areas sa loob ng 60 araw matapos malathala ang napirmahang batas.
Bubuo rin ng 16-member Philippine Salt Industry Development Council na pamumunuan ng Department of Agriculture (DA) secretary.
Nakasaad rin dito, na ang mga taripang makukuha mula sa mga imported na asin ay ibabalik sa local salt industry ng bansa sa pamamagitan ng Salt Industry Development and Competitiveness Enhancement Fund (SIDCEF). | ulat ni Nimfa Asuncion