Inaasahan ang mas pinagandang mga serbisyo at modernong mga imprastraktura sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay matapos na lagdaan ngayong araw ang concession deal ng Department of Transportation (DOTr) at New NAIA Infra Corp para sa rehabilitasyon at modernisasyon ng nasabing paliparan.
Nilagdaan nina Transportation Secretary Jaime Bautista at San Miguel Corp. President at CEO Ramon Ang ang kasunduan sa Malacañang.
Ayon kay SMC President Ang, hindi lang rehabilitasyon ang gagawin nila sa NAIA pero gagawa rin ng bagong standard pagdating sa pagbibigay ng kalidad na serbisyo sa mga pasahero.
Aniya, katuwang ang kanilang partner na Incheon bumuo sila ng team ng mga eksperto na tututok sa pagpapatupad ng mga pagbabago upang maabot ang kanilang long-term goal para sa NAIA.
Sa panig naman ni Secretary Bautista, sinabi nitong ang NAIA Public-Private Partnership (PPP) Project ay may epekto sa international business community. Nagpapakita aniya ito, na ang investment sa mga imprastraktura at teknolohiya ay nangangailangan ng kolaborasyon sa local at foreign partners.
Kapag nakumpleto ang modernisyasyon ng NAIA, inaasahang tataas ang kapasidad ng mga pasahero nito mula sa 35 milyon ay magiging 62 milyon mga pasahero kada taon. | ulat ni Diane Lear