Naglabas ng joint statement ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kaugnay sa nagpapatuloy na kaguluhan ng mga gang sa Haiti.
Ayon sa pahayag, nasa 63 mga Pilipino ang nais na umuwi ng Pilipinas matapos na itaas ng DFA sa Alert Level 3 ang Haiti, ibig sabihin magkakaroon ng voluntary repatriation sa mga Pilipino doon.
Nasa 115 na mga Pilipino naman ang kasalukuyang nasa Haiti. Hinihintay pa sa ngayon ang kumpirmasyon ng iba pang mga Pilipino kung ito ay papayag na umuwi sa bansa.
Naghahanap na ang DMW, DFA, at OWWA ng flight para sa 63 mga Pilipino ngayong isinara ang mga paliparan sa Haiti, at hindi rin pinapayagan ang land travel patungo sa kapital ng bansa na Port-au Prince.
Sa ngayon, wala pa namang naiuulat na mga Pilipinong apektado o nasugatan sa nagpapatuloy na security crisis.
Mahigpit na nakikipag-ugnayan ngayon ang Philippine Embassy sa Washington sa DMW-Migrant Workers Office sa Philippine Consul General ng Haiti at mga Filipino community sa naturang bansa kaugnay sa planong repatriation.
Patuloy na lumalala ang sitwasyon sa Haiti dahil sa mga away ng iba’t ibang grupo, may ilan na ring mga sibilyan ang naiulat na nasawi. | ulat ni Diane Lear