Inihain sa Kamara ang isang resolusyon na nag-uudyok sa House Committee on Natural Resources na imbestigahan ang pagpapatayo at operasyon ng isang resort sa gitna mismo ng Chocolate Hills sa Sagbayan, Bohol.
Sa ilalim ng House Resolution No. 1652 na inihain ni ACT CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo, Edvic Yap at Jocelyn Tulfo at dalawang iba pang mambabatas na sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Wendel Tulfo binigyang diin na kailangang may managot sa ginawang pambababoy sa ating likas na yaman.
Sa resolusyon, binanggit ng mga mambabatas ang Proclamation No. 1037 na nagdedeklara sa Chocolate hills bilang isang natural monument, at pagbabawal sa anomang exploitation threat dito para mapanatili ang natural na ganda.
Tinukoy din na protektado ang Chocolate Hills at kasama sa National Integrated Protected Areas System sa ilalim ng Republic Act No. 7586, na nagbabawal sa anomang mutilating, defacing, o pagsira dito pati ang pagtatyo ng anomang istraktura o negosyo nang walang permit.
Matatandaan na nag-viral sa social media ang nasabing resort na itinayo sa mismong paanan ng Chocolate Hills.
Mayroon itong swimming pool, slides, cottages, at iba pa.
“Hayagang pangbabastos ito sa ating likas na yaman. Ang tanong dito ay paano pinayagan at sino ang pumayag na maipatayo ang isang resort sa lugar na dapat ay ating pinoprotektahan. Kaya dapat itong tutukan at maimbestigahan ng Kongreso,” dagdag pa ni Tulfo.
Nabatid naman na ang may-ari ng nasabing resort ay nakakuha ng mga kaukulang dokumento para sa operasyon at pagpapatayo ng resort.
“The construction of the Captain’s Peak Garden and Resort raises serious concerns on possible avenues for the circumvention of laws and issuances on building, business and environmental permits, certification, or licenses in the guise of tourism economic development,” saad sa resolusyon. | ulat ni Kathleen Forbes