Binigyang diin ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang dedikasyon ng pamahalaan upang paigtingin ang infrastructure development sa bansa.
Ito ay matapos na lagdaan ang concession agreement para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Public Private Partnership (PPP) Project sa Malacañang ngayong araw.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, ang NAIA-PPP Project ay isa sa mga Infrastructure Flagship Projects ng Marcos Administration na nakapaloob sa socioeconomic agenda sa ilalim ng Philippine Development Plan (2023-2028).
Ani Balisacan, ang NAIA-PPP ay tutugon sa matagal nang mga issue sa paliparan sa pamamagitan ng pagtaas ng kapasidad ng maseserbisyuhang mga pasahero at madadagdagan ang mga flight. Dahil dito, mapapababa ang paghihintay, mababawasan ang mga delay, at mapapabuti ang travel experience ng mga pasahero.
Dagdag ng kalihim, ito ay alinsunod sa hangarin ng pamahalaan na magkaroon ng maginhawa at maayos na biyahe ang bawat pasahero. | ulat ni Diane Lear