Iginiit ni Senador Sonny Angara na dapat sundin ang Bicameral System ng Kongreso sa pagpapasa ng mga panukala o resolusyon, kasama na dito ang panukalang Economic Charter Change (Cha-Cha).
Ang pahayag ni angara ay kasunod ng suhestiyon ni House Majority Leader Manuel Dalipe na ideretso na sa Commission on Elections (COMELEC) ang ipapasa nilang bersyon ng Economic Cha-Cha o ang Resolution of Both Houses No. 7.
Tugon dito ni Angara, ang tamang proseso ay dapat i-transmit ng Kamara ang kanilang aprubadong bersyon sa Senado at hindi sa ibang ahensya ng gobyerno.
Ganito rin aniya ang gagawin ng Senado alinsunod sa Bicameral system ng Kongreso.
Samantala, sinabi rin ng senador na namumuno ng pagtalakay ng panukalang Economic Cha-Cha, sa Senado na magpapatuloy ang pagtalakay ng Mataas na Kapulungan sa Economic Cha-Cha pagkatapos na ng kanilang Holy Week break.
Aniya, ngayon kasing huling linggo ng kanilang sesyon ay nakalaan para sa mga panukalang batas na prayoridad ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Hanggang sa Miyerkules na lang ang sesyon ng Kongreso at muli na itong magbubukas sa April 29. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion